Sunday, March 17, 2024

ANG KUMBERSYON NG LUPA MULA SAKAHAN PATUNGONG KOMERSYAL

 Ang lupang komunal na daan-taon nang pinakikinabangan ng mamamayan ng Carmona sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-ani sa bunga nito ay nagsisimula nang mawala. Noong 2022 ay ipinagkasundo ng LGU sa SM ang kulang-kulang na 204 ektaryang taniman upang gawing komersyal/residential na lugar. Nawala na ang malapad na taniman ng palay. Nawala na ang kinaugaliang “Sorteo ng Bukid.” Nawala na din ang mga magsasaka kasama ang kanilang mga tirahan. Sa ngayon ay mga bulldozer at backhoe ang makikita sa gitna ng maalikabok at tiwangwang na lupa. Ang kanilang itatayo ay mga building, mall, opisina, mga kainan, at iba pang commercial centers. Maaari ding tayuan yan ng mga bahay ng mayayaman, dahil sila lang ang may kakayanang bumili ng may napakataas na presyo. Ngunit ang tanong, sino ba ang makikinabang sa mga yan? Mamamayan ba o ang malaking negosyanteng SM?

Ayon naman sa datos ng Phil Rice Research Institute o PhilRice, isang ahensya ng gobyerno na nagaaral sa produksyon ng palay ng bansa, noong 2021 ay nagproduce ang Carmona ng 1,137 metric tons ng palay. Ito’y bumaba sa 715 metric tons noong 2022. Ayon din sa NEDA, ang rice inflation ng bansa ay tumaas sa 22.6% ngayong Pebrero 2024 mula 19.6% noong Disyembre 2023. Ibig sabihin, patuloy na tumataas ang presyo ng bigas dahil sa maraming kontributor, pangunahin ang presyo sa pambansang pamilihan. Naglabas din ang PhilRice, na nakasaad sa Philippine Rice Industry Roadmap 2030, ng ‘Rice Security’ bilang layunin ng bansa hanggang 2030 …

Kung iaanalisa ang mga nabanggit, hindi matutupad ang layuning RICE SECURITY kung patuloy na ikino convert ang mga sakahan sa komersyal spaces. Ang resulta ng kumbersyon ay pagliit ng lokal na produksyon ng palay at pagsalalay sa imported, kung saan walang kontrol ang bansa sa presyo. Ito ang equation:

LAND CONVERSION = HIGH COST OF RICE = RICE INSECURITY

Ayon naman sa Sec 4 ng DAR AO No 1, Series of 2002, non-negotiable ang pag-convert ng lupa kung ito’s may irigasyon. Nakatuon pa rin ang batas na ito sa food security. Binigyan nito ng importansya ang paglikha ng palay hanggat ang lupa ay mayaman at may inaani. Ibig sabihin, labag ang ginawang kumbersyon ng lupa ng Carmona dahil mayaman sa tubig ang bayan at may irigasyon. Pinatunayan ito ng report ng National Irrigation Administration o NIA noong 2023 na sagana sa tubig ang Carmona.

 Sa mga nakasaad sa itaas, malinaw na napakaraming sinalaula at nilabag ang kumbersyon ng lupang sakahan at pakikipag kasundo ng LGU sa SM. Nilabag nito ang batas ng DAR sa pag-convert. Nilabag nito ang programa ng gobyerno na Rice Security. At higit sa lahat, nilabag nito ang mandato ng LGU na pagsilbihan ang interes ng mamamayan kesa sa isang malaking negosyante.

 Ang ganitong mga pagmamalabis ng mga dambuhalang negosyante, na may basbas ng LGU, ay hindi sa Carmona lang nangyayari. Ito’y makikita sa lahat ng panig ng bansa. Dahil hanggat ang naka pwesto sa gobyerno ay mga elitista’t mayayaman, walang maaasahan ang taumbayan. Kinakailangan laging maging mapagmatyag at tumindig sa panig ng mga maliliit.

ITIGIL ANG KUMBERSYON NG LUPA !

LAND CONVERSION, SANHI NG MATAAS NA PRESYO NG BIGAS !

LAND CONVERSION, SANHI NG RICE INSECURITY !

IBALIK ANG LUPANG KOMUNAL SA MGA TAO !

TAO MUNA BAGO TUBO !


SAMAHAN NG MAMAMAYAN PARA SA KALIKASAN AT BAYAN (SAMAKABAYAN)

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO –SOUTHERN TAGALOG (BMP-ST)

PARTIDO LAKAS NG MASA – SOUTHERN TAGALOG (PLM-ST)

No comments:

Post a Comment