Showing posts with label Nuclear Energy. Show all posts
Showing posts with label Nuclear Energy. Show all posts

Tuesday, October 27, 2026

PAHAYAG NG PAGKONDENA SA PLANONG ISAMA ANG ENERHIYANG NUKLEYAR SA PINAGKUKUNAN NG KURYENTE SA PILIPINAS

Isinagawa na ang mga pagdinig ng Technical Working Group ng Special Committee on Nuclear Energy ng House of Representatives (HoR) noong Oct 12-14, 2026. Layunin nito na idetalye ang balangkas ng batas, ang mga insentibong ibibigay sa mga magne-negosyo sa pagtatayo ng plantang nukleyar, kasama ang paglalaan ng budget para dito. Noong Mayo 2026 ay inaprubahan sa mababang kapulungan (HoR) ang HB 08567 o ang Nuclear Energy Sector Integration Act, na si Cong. Mark Cojuangco ng Pangasinan 2nd District ang ponente. Wala pang nagagawang katapat na batas ang senado dahil abala sa impeachment proceedings ni Sara Duterte. Inanunsyo din ng Department of Energy (DOE) na isasagawa nang magkasabay ang World Nuclear Supply Chain Conference 2026 at ang Philippine International Nuclear Energy Forum 2026 bilang isang event sa Oct 20-21, 2026 sa Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City sa Taguig. Ibig sabihin nito, ang planong paggamit ng enerhiyang nukleyar ay siguradong tuloy. Nakasaad na din sa Philippine Energy Plan o PEP ang mga target na: 1,200 MW sa taong 2032; 2,400 MW sa 2035, at 4,800 MW sa 2050. Kung aaralin ang nukleyar, pwedeng sabihing ito ang pinakamalakas na pagkukunan ng enerhiya sa buong mundo. Ngunit mas masahol ang mga disbentahe nito kaysa bentahe. Mga disbentahe 1. Unang-una, ito’y hindi renewable. Ito’y nauubos tulad ng langis, natural gas, coal, atbp fossil fuels. At dahil nauubos, hindi sustenable para gamitin sa mahabang panahon. 2. Pangalawa, napakamahal at napakatagal itayo ang isang plantang nukleyar. Ayon sa International Atomic Energy Agency (IAEA), aabutin ng 10-15 years ang pagtatayo ng isang planta bago ito magbigay ng aktwal na kuryente. Lubos na mas mabilis itayo ang planta ng solar (4 yrs) o ng isang geothermal power (8 yrs). Idagdag pa diyan na walang uranium (gatong ng nukleyar) sa Pilipinas. Ito’y aangkatin sa mga bansang mayaman dito gaya ng Kazakhstan, Canada, at Australia. Kaya ang nukleyar ay mangangahulugan ng napakataas na presyo ng kuryente. 3. Ikatlo, napakadelikado sa tao at kapaligiran ang radio-active wastes nito. Hindi sikreto ang mga sakunang nangyari sa ibang bansa kung saan nagkaroon ng melt-down o pagkasira ng planta dahil sa mekanikal at natural na problema dulot ng lindol (Three-Mile Island, Chernobyl, Fukushima). Ang sarili nating Bataan Nuclear Power Plat ay hindi napagana dahil maraming problema sa konstruksyon at hindi pumasa sa audit ng mga eksperto. Isa pa, ang Pilipinas ay nasa loob ng isang earthquake fault line mula Luzon hanggang Mindanao, kaya ang pagkakaroon ng lindol ay inaasahan. At kapag nagkaroon ng melt-down, ang paglilinis ng nuclear-wastes ay maaaring tumagal ng libong taon, at hindi pa alam kung lubusang malilinis pagkalampas ng libong taon. 4. Ikaapat, lubha itong mapanganib dahil pwedeng gamitin ang uranium para gawing bomba at magamit sa gera. Mawawasak lang ang Pilipinas kapag isinama tayo ng mga imperyalistang bansa sa kanilang gera. Pwede tayong matulad sa Ukraine na wasak ang karamihang gusali dahil sa gera sa pagitan ng Russia at ng Nato, kasama ang US. Magdudulot pa ang nukleyar ng tensyon sa seguridad sa mga bansang nakapaligid sa Pilipinas. Bakit ipinipilit ang paggamit ng nukleyar? Bakit ipinipilit ito gayong marami namang malinis at libreng pagkukunan ng enerhiya - ang RENEWABLES? Ito ang enerhiya mula sa araw, sa tubig, sa init ng lupa, sa hangin, atbp. Ito’y libreng makukuha sa kalikasan. Ang teknolohiya ay available na, kailangan na lang pondohan ng gobyerno para magawang abot-kaya ng taumbayan. Sa ngayon, ang paggamit ng renewables ay sa balangkas ng negosyo at hindi ng pangangailangan ng tao. Kaya kabalintunaan ang sagot sa sinasabing krisis sa enerhiya dahil meron namang libre. Ang uring pinagsisilbihan ng gobyerno Makikita dito kung anong uri ang pinagsisilbihan ng kasalukuyang gobyernong pinamumugaran ng mga dynastiya tulad ni Mark Cojuangco. Hindi ang uring manggagawa at masang anak-pawis na sumasalo sa lahat ng epekto ng krisis na dulot ng kapitalistang sistema, kundi ang mga negosyante’t elitista. Tinututulan natin ang plano na gamitin ang nukleyar para sa pangangailangang enerhiya ng bansa. Mas mabigat ang epekto sa buong buhay ng mamamayan kaysa sa bentahe. May ibang solusyon na hindi kailangang bilhin, hindi nauubos, murang patakbuhin, at makikinabang ang bawat Pilipino. PARTIDO LAKAS NG MASA Oktubre 18, 2026