Saturday, July 4, 2009

Copy of the Open Letter to the Residents of Imperial Homes in the light of the present organizational bickerings (in tagalog)

Hulyo 3, 2009

ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA MGA RESIDENTE NG IMPERIAL HOMES TUNGKOL SA MGA KAGULUHANG NANGYARI KAHAPON

May pulong na nangyari kahapon sa pangunguna ng dalawa nating konsehal nang sila’y magpatawag sa mga tao na ang layunin ay patalsikin sa pwesto ang mga nanunungkulang BOD ngayon. May karapatan silang gawin ‘yon dahil ginagarantyahan yan ng ating saligang batas. Ngunit dapat malinaw kung ano ang mga basehan at may sapat na katibayan, hindi haka-haka lang. Hindi ko na nais salungatin kung gusto nila kaming pababain sa pwesto, ang gusto ko lang ilinaw ay ang paninirang puring ginawa ni konsehal Rex nang ako’y dumating sa pulong. Kung susumahin, unang punto nya ay ang pagkakanulo ko daw sa mga tao dahil sa pagtatanggol at pagtatakip sa pangulo sa mga nagdaang ‘di pagkakaunawaan. Kayo na lang ang maghusga kung ako ba’y talagang nagkanulo sa tao. Ang sagot ko dyan ay wala akong pinagtatakpan at gusto ko lang sabihin kung ano ang tunay na pangyayari. Nagsasalita ako para sa sarili ko at hindi nagiging tuta ng kung sino. Hindi ko kayang manahimik kung ‘di naman totoo ang aking naririnig. Kaya’t ang lagi kong sinasabi, hintayin ang paglabas ng audited financial report, dahil usapin na din ng pinansya ang binabanatan nila. Makikita dito kung talagang may kinukurakot ang pamunuan. Napakaraming dahilan bakit ito natatagalang ilabas, at masasagot yan pagkatapos nga ng report.

Pangalawang puntong gusto kong linawin ay ang pagtingin ni konsehal Rex na walang nangyayari sa ginagawa nating pagkilos sa Pabahay. Siguro’y hindi sya umaatend sa mga miting na pinatatawag para dito. Ang sinabi nya’y isang pagbabalewala sa mga pagpapagod na ginawa ng ilang residente para ipagtanggol ang mga bahay. Malaki ang nagawa ng ating mga pagkilos. Unang-una, napaatras natin ang Imperial sa 330,000 presyo ng bahay. Ngayo’y ginawa na nila itong 240,000 (mula sa isang sulat na natanggap), 180,000 orihinal na presyo at 60,000 bilang renta buwan-buwan mula nang tirhan ang unit. Hindi pa ito ang ating gustong mangyari, pero ito na ang inabot, at tayo’y ‘di tumitigil na igiit ang ating demands dahil ito’y wasto at makatwiran. Ikalawa, recognized na ng HUDCC at munisipyo ang ating demands, at sila’y may mga hakbang na ginawa upang tayo’y tulungan, tulad ng pagpapatawag ni Municipal Admin sa Imperial upang iharap ang ating problema, na dinaluhan din natin. Dito natin nakuha ang “walang ebiksyon habang may negosasyon.”

Ikatlong punto, ay ang paglalagay natin ng bandila ng BMP o Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa kubo malapit sa opisina, na sapilitang inalis ni konsehal Rex dahil ito raw ay hazard o risk na maaaring maglagay sa asosasyon sa delikado. Ang BMP ang sumusuporta sa laban natin sa pabahay. Kasama natin mismo ang lider ng BMP sa Calabarzon doon sa negosasyon sa HUDCC. Sya ang nagpanukala kay Asst. Sec. Raymond Rodriguez ng pagbubuo ng Inter-Agency Committee (HUDCC, HLURB, HGC, Pag-IBIG, IHC, at SMHAI) upang gawan ng solusyon ang ating mga demands. Ang Inter-Agency Committee na ito ay maaari nang gumawa ng mga polisiya’t patakaran ukol sa pabahay, kaya ang pagpayag ng HUDCC dito ay isang tagumpay para sa ‘tin. Paanong magiging hazard o risk ang BMP ay ito nga ang tumutulong sa atin. Sinabihan pa ko ni konsehal Rex na ako’y aktibista. Ang pagiging isang aktibista ay pagiging kritikal sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Ang pagkakaluklok bilang konsehal ay may katulad ding obligasyon at yan ang dahilan bakit sya ibinoto ng mga tao, ang hanapan ng solusyon ang ating mga problema, hindi sa pamamagitan ng dole-out, kundi sa pamamagitan ng pagbaklas sa mga batas na hindi makatao, at pagpapalit ng patakarang solusyon sa hirap ng buhay. Matatandaan ding una nating idinulog sa barangay ang usaping pabahay. Ngunit ang kanilang posisyon ay labas sila sa usaping ito. Kaya’t ang aking tanong kay konsehal Rex, ano ba ang sarili nyang posisyon sa pabahay? Malamang wala.

Bilang panghuli, ang laban sa pabahay ay ‘di makukuha sa isang upuan lang, dahil batas ang babanggain dito. Ngunit kung walang kikilos, baka pare-pareho tayong hihingi ng tulong sa munisipyo isang araw dahil wala na tayong matirhan. At ako’y tuloy-tuloy na makikipaglaban para sa pabahay dahil yan ay isang karapatan. Ang labag sa karapatang pantao ay kung walang pakialam sayo ang gobyerno, pati pribado, sa usaping pabahay, dahil ito’y tinitingnang isang negosyong kailangang pagkakitaan ng mga namumuhunan. Ang isa pang labag sa karapatang pantao ay kung ayaw kang bigyan ng barangay clearance dahil ikaw ay may problema sa bahay. May problema ka na nga sa bahay, gigipitin ka pa sa ibang aspeto, na alam namang kailangang-kailangan sa paghahanap ng trabaho. Naranasan yan ng ilan nating kasamahan.

NAIS KONG MAGBIGAY NG PANUKALA PARA MATAPOS NA ANG ‘DI PAGKAKAUNAWAAN AT PAGKAKAHATI NG MGA MAMAMAYAN NG IMPERIAL: MAGPATAWAG NG ISANG AGARANG ELEKSYON NA HAHAWAKAN NG MGA NEUTRAL NA TAO, HINDI NG NAKARAANG PAMUNUAN O NG MGA NAGPASIMULA NG GULONG ITO.


SAM R. MALIZON

No comments:

Post a Comment